MANILA, Philippines — Kung hindi pa rin paglalaruin ng TNT Tropang Giga si injured star guard Ray Ray Parks, Jr. sa ikalawang sunod na pagkakataon ay maaaring maihahakbang na ng Barangay Ginebra ang isa nilang paa para sa ika-13 korona.
Pupuntiryahin ng Gin Kings ang malaking 3-0 bentahe sa kanilang championship series ng Tropang Giga ngayong alas-6 ng gabi sa Game Three ng 2020 PBA Philippine Cup Finals sa Angeles University Foundation Gym sa Pampanga.
Matapos maitakas ang 100-94 overtime win sa Game One ay inilusot naman ng Ginebra ang 92-90 panalo sa Game Two para ilista ang 2-0 kalamangan sa kanilang best-of-seven title showdown ng TNT.
“We have to find the best of ourselves to continue to win games in this series. Otherwise the tide could turn very quickly,” sabi ni Gin Kings’ mentor Tim Cone.
Sinandigan ng two-time PBA Grand Slam champion coach ang krusyal na three-point shot ni Scottie Thompson sa huling 30.5 segundo ng fourth quarter para kunin ang 87-85 abante matapos ilista ng Tropang Giga ang 54-39 kalamangan sa third period. Limang free throws naman ang isinalpak ni veteran guard LA Tenorio para selyuhan ang kanilang panalo.
“Maybe the absence of Bobby Ray kinda let us down emotionally a little bit. It’s always hard. In the back of your mind, they thought Bobby Ray is not there, we’re going to have an easier time,” ani Cone.
Para pigilan ang Ginebra, maaaring mapuwersa si coach Bong Ravena na tapikin si Parks, nagkaroon ng strained left calf injury sa Game 1 noong Linggo.