TNT tropang Giga nakauna

MANILA, Philippines — Naglaro lamang si Phoenix top scorer Matthew Wright ng anim na minuto sa first period bago nagkaroon ng sprained right ankle.

Ito ang sinamantala ng TNT Tropang Giga para lusutan ang Fuel Masters, 95-92, sa Game One ng kanilang semifinals series sa 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.

Humugot si Jayson Castro ng pito sa kanyang 20 points sa huling minuto ng final canto para akayin ang Tropang Giga sa 1-0 bentahe sa kanilang best-of-five semis wars ng Fuel Masters.

Kumolekta si Ray Ray Parks Jr. ng 17 points, 7 rebounds, 4 steals at 3 assists para sa TNT Tropang Giga  habang tumipa sina RR Pogoy, Poy Erram at Ryan Reyes ng 16, 15 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.

“We know they’re not gonna give up,” sabi ni TNT Tropang Giga head coach Bong Ravena sa determinasyon ng Phoenix kahit hindi natapos ni Wright ang laro. “They’re gonna stay in the game because they will never run out of energy.”

Itinayo ng Tropang Giga ang 12-point lead, 54-42, sa third period hanggang makadikit ang Fuel Masters sa 86-87 sa huling 1:32 minuto ng fourth quarter buhat sa three-point play ni Calvin Abueva.

Nagsalpak si Castro ng isang triple at layup para ilayo ang TNT Tropang Giga sa 92-88 laban sa Phoenix sa nalalabing 26.5 segundo.

Ang dalawang free throws ni Castro ang nag-angat sa Tropang Giga sa 95-92 sa natitirang 5.3 segundo kasunod ang mintis na tres ni Alex Mallari para sa Fuel Masters sa pagtunog ng final buzzer.

Nagtala si RJ Jazul ng 21 points kasama ang apat na triples para sa Phoenix, habang nagdagdag si Jason Perkins ng 15 mar­kers, 10 boards at 3 assists.

May tig-13 points naman sina Mallari at Abueva para sa Fuel Masters.

 

 

Show comments