MANILA, Philippines — Walang sama ng loob si dating University of Santo Tomas (UST) coach Aldin Ayo sa mga players partikular na sa mga lumipat ng iba’t ibang unibersidad.
Sa kabila ng mga nangyari, itinuturing pa rin ni Ayo na parang mga tunay na anak kaya’t nanawagan itong tigilan na ang pamba-bash sa mga players. “May mga nagsasabi na ‘yung mga players, may mga decision na hindi maganda, but we have to understand the players, gumagawa rin sila ng sacrifice,” ani Ayo.
Isa-isang nag-alsa balutan ang mga key players ng Growling Tigers matapos pumutok ang Sorsogon bubble na pinamunuan ni Ayo sa Bicol.
Kabilang na rito sina CJ Cansino na tumawid sa University of the Phi-lippines at itinuturing na nagpasabog ng isyu matapos matanggal sa lineup ng UST.
Wala na rin sa UST sina Rhenz Abando, Brent Paraiso at Ira Bataller na napunta sa Letran gayundin sina Mark Nonoy at Deo Cuajao na lumipat sa De La Salle University.
Maliban sa pagkawasak ng UST squad, pinatawan pa ng indefinite suspension si Ayo ng UAAP Board of Trustees base sa rekomendasyon ng Board of Managing Directors.
Masakit para kay Ayo na makitang unti-unting nabuwag ang pinaghirapan nitong koponan na mula sa pagiging underdog ay nagawa nitong makapasok sa finals noong Season 82.
“Kung tutuusin, okay na sila sa UST at ‘yung pag-alis nila, they’re going to take a risk dahil puwedeng maging advantageous, pero puwedeng hindi, but we should understand them, ‘yung mga players,” dagdag ni Ayo.
Tapos na ang yugtong ito sa buhay ni Ayo. Nais nitong iwanan ang hindi magagandang nangyari at matuto sa mga naging pagkakamali. “I just take it and maraming matututunan. Maganda rin siguro na you just have to be humble. Hindi ito ‘yung tamang oras para magalit.”aniya.