MANILA, Philippines — Sa kanyang kauna-unahang sparring session sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic sa United States ay tatlong rounds ang inubos ni Olympic Games qualifier Eumir Felix Marcial.
Nakipagsukatan ng lakas ang 25-anyos na si Marcial kay veteran middleweight Gabriel Rosado sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.
Sapat na ang nasabing sparrring session para bumalik ang kumpiyansa sa sarili ng tubong Zamboanga City.
“Bumalik talaga iyong kumpiyansa ko pagtapos ng sparring kasi matagal na ako walang training and laban habang nasa Pilipinas kaya ngayon masasabi ko na tama talaga ang desisyon ko na pumunta dito sa US,” ani Marcial.
Bukod sa Olympics na idaraos sa Tokyo, Japan ay pinaghahandaan din ng Pinoy middleweight fighter ang kanyang kauna-unahang professional fight bago matapos ang taon.
“Pinaghahandaan ko na rin ‘yung sinabi ni Sir Sean (Gibbons, president ng MP Promotions ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao) na baka lumaban ako sa December,” wika ni Marcial.
Huling tumapak sa ibabaw ng boxing ring si Marcial noong Marso nang makuha niya ang gold medal kasama ang outright Olympic slot sa Asian Olympic Qualifiers sa Amman, Jordan.
Kasabay ng kanyang pagpirma sa promotional deal sa MP Promotions ni Pacquiao ay pinayagan siya ng fighting senator na isabay ang preperasyon sa 2021 Tokyo Olympics.
“Pero ang focus ko talaga ngayon na bumalik sa kondisyon ko tapos magtuluy-tuloy na ‘yung training para sa Olympics. Iyan lang talaga ang priority ko, Olympic gold, wala nang iba,” ani Marcial.
Magsusumite si Marcial ng isang proposal sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) at Philippine Sports Commission (PSC) para humingi ng pondo sa kanyang training program sa US.