MANILA, Philippines — Matapos ang unang dalawang araw ng bakbakan sa Philippine Football League 2020, walang mantsa ang karta ng United City Football Club at Kaya FC Iloilo.
Parehong tangan ang malinis na tig-dalawang panalo, nangunguna sa team standings ang UCFC at Kaya FC matapos ilampaso ang mga nakatunggali
Tinalbos ng United City ang Azkals Development Team, 1-0 mula sa goal ni midfielder Mike Ott sa ika-25 minuto ng first half sa opening game noong Miyerkules na ginanap sa Philippine Football Federation National Training Center sa Carmona, Cavite.
Pakitang-gilas din ang Kaya FC sa second game, nang payukuin ang Maharlika Manila FC, 1-0 sa isinalpak na goal ni Jayson Panhay sa ika-30 minuto ng laro.
Nagtuloy ang umento ng UCFC at Kaya FC noong Sabado nang pagpagin ang mga nakaharap para sa kanilang ikalawang panalo.
Kumana si Bienve Marañon ng tatlong goals para para pangunahan ang UCFC na binokya ang Mendiola FC, 6-0.
Nasilo ng Kaya FC ang second win matapos igapos ang Azkals, 1-0 sa third game noong Sabado rin.
Nasa pangatlo puwesto ng team standings ang Maharlika na may tig-isang panalo at talo.
Nakapuwesto ang Stallions, Azkals at Mendiola sa fourth, fifth at sixth na wala pang panalo, ayon sa pagkakahilera.