MANILA, Philippines — Naitakas ng Zamboanga City Family’s Brand Sardines ang makapigil hiningang 22-19 panalo kontra Nueva Ecija Rice Vanguards sa championship round ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 President’s Cup Grand Finals leg kahapon sa INSPIRE Sports Academy bubble sa Calamba, Laguna.
Isinalpak ni Joshua Munzon ang panelyong two points upang tangha-ling kampeon ang Zamboanga City Family’s Brand Sardines at ibulsa ang P1-M premyo.
Abante ang Zamboanga ng isang puntos, 20-19 at muntik pa silang masilat pero mabuti na lang at sumablay ang tira ni Gab Banal sa two-point area.
Ang Family’s Brand Sardines ang naka-re-bound matapos ang mintis at hinawakan ni Munzon ang bola at walang kabang itinira ito, resulta: swak sa rim.
May tsansa sanang tapusin ni Alvin Pasaol ng mas maaga ang laban nang lamang sila sa 20-16 pero parehong sumablay ang dalawa niyang free throws kaya nakalapit ang Nueva Ecija.
Bago sumalang sa finals ang Zamboanga City at Nueva Ecija ay pinatalsik muna nila sa semifinals ang Pasig-Sta. Lucia Realtors, 21-16 at Leg 3 winner Butuan City Uling Roasters, 20-19 ayon sa pagkakasunod.
Champion din ang Family’s Brand Sardines na binubuo ng nationals players kasama sina Troy Rike at Santi Santillan, sa Legs 1, 2 at 4 kaya nasa top spot sila ng tour ranking tungo sa Grand Finals bukod pa sa karagdagang P300,000 premyo.