MANILA, Philippines — Sa dami ng baon nina Beau Belga at Ryan Araña ay para na silang may sari-sari store sa loob ng kanilang kuwarto sa PBA bubble at ang una nilang customer ay ang kanilang Rain or Shine teammate na si James Yap.
Isang araw matapos buksan ang ‘Belga-Araña Sari-Sari Store’ ay nakabenta na si Belga ng tatlong pirasong sabong panlaba sa halagang P350 at dahil galante si Yap ay ‘di na niya kinuha ang sukli sa ibinayad na P1,000.
“Ang galante naman ng bumili sa amin, sana ganito lahat ng bumibili! One thousand pesos!” tuwang-tuwang sigaw ni Belga.
Malaki na sana ang unang kita ng mag-roommate na sina Araña at Belga pero agad bumalik si Yap para bawiin ang ibinayad nitong P1,000.
Tuwang-tuwa ang kapwa players nila sa ginawang pakulo ng mag-roommate para hindi maburyong habang malayo sa kanilang pamilya.
Tuluy-tuloy na ang pagbabalik ng PBA ngayong Oktubre11, ilang buwan matapos matengga dahil sa pandemya.