Casimero, Micah pasado Russell Cadayona
MANILA, Philippines — Sa kanilang official weigh-in ceremony kahapon ay nagpalitan ng matatalim na tingin sina Filipino world bantamweight champion John Riel Casimero at unbeaten Ghanian challenger Duke Micah.
Inaasahang dadalhin nila ito sa oras ng kanilang salpukan.
Kapwa nakuha nina Casimero at Micah ang weight limit na 118 pounds para sa kanilang bakbakan ngayon sa Mohegan Sun Casino sa Uncasville, Connecticut.
Ang 30-anyos na si Casimero ay may timbang na 117.8 pounds habang mas magaang naman sa 117.2 pounds ang 29-anyos na si Micah.
Ipagtatanggol ni Casimero (29-4-0, 20 KOs) ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) bantamweight crown laban kay Micah (24-0-0, 19 KOs).
Ang nasabing titulo ay nakopo ng tubong Ormoc City, Leyte matapos umiskor ng third-round KO victory kontra kay South African Zolani Tete noong Nobyembre sa England.
Ito pa lamang ang unang pagkakataon na sasagupa si Micah sa isang de-kalibreng world champion kagaya ni Casimero.
Sakaling talunin ni Casimero si Micah ay inaasa-hang maitatakda ang kanilang unification fight ni Japanese superstar Naoya Inoue (19-0-0, 16 KOs) na bitbit ang World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) bantamweight belts.
Matatandaang nabasura ang nasabing laban nina Casimero at ng 27-anyos na si Inoue bunga ng mga isyu sa prize money at mga problema dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
- Latest