Miami tinakasan ang Boston

Goran Dragic

LAKE BUENA VISTA, Florida — Humataw si point guard Goran Dragic ng 25 points na kinatampukan ng dalawang mahahalagang three-pointers sa huling dalawang minuto ng laro para akayin ang Miami Heat sa 106-101 paggupo sa Boston Cel-tics sa Game Two ng kanilang Eastern Conference finals kahapon dito sa NBA bubble.

Humakot si big man Bam Adebayo ng 21 points at 10 rebounds para sa 2-0 bentahe ng Heat sa kanilang best-of-seven title showdown ng Celtics.

Successful lagi ang Miami sa 16 playoff series na ipinanalo nila ang Games One at Two, ayon sa ESPN stats.

Matapos ang dikitang first quarter ay nakawala ang Celtics sa second period para ilista ang 17-point lead ngunit nakagawa ng adjustments ang Heat sa halftime.

“You get to the conference finals, it’s not all about you,” wika ni Miami Fil-American head coach Erik Spoelstra. “Boston had a lot to say about how that first half was going. That was them putting us on our heels.”

Nagdagdag si Duncan Robinson ng 18 points tampok ang anim na triples habang may 14, 12 at 11 markers sina Butler, Jae Crowder at Tyler Herro, ayon sa pagkakasunod.

Matapos ang triple ni Kemba Walker na nagbigay sa Celtics ng 94-89 abante sa huling 4:25 minuto ng final canto ay nagsalpak ng magkasunod na tres sina Dragic at Crowder para sa 102-95 kalamangan ng Heat.

Ang dalawang free throws ni Butler ang sumelyo sa panalo ng Mia-mi sa huling 7.4 segundo ng labanan.

Pinamunuan ni Walker ang Boston sa kanyang 23 points at nagdagdag sina Jaylen Brown at Jayson Tatum ng tig-21 markers.

 

Show comments