MANILA, Philippines — Kung na-excite ang mga fans sa napipintong pagbabalik-aksiyon ng Philippine Basketball Association (PBA), mas excited ang mga players mismo na ‘di napigilang mag-post sa kani-kanilang social media matapos matengga ng pitong buwan mula nang masuspendi ang liga dahil sa pandemya.
Kamakalawa, inanunsyo ng PBA ang planong ‘bubble’ para sa maiksing 2020 Philippine Cup sa Clark Free Port Zone sa Pampanga ngunit depende pa ito kung papayagan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Kung bibigyan ng go-signal ng IATF ay target na muling buksan ang liga sa Oktubre 9.
Nagkalat ang mga post ng mga PBA players sa Instagram tungkol sa inaasahang pagbabalik ng liga gaya ni Magnolia Hotshots Paul Lee na napa-flex pa ng kanyang workout routine bilang paghahanda sa posibleng pagsabak sa laro.
Throwback picture habang naglalaro ang pinost ng ilang players gaya nina Vic Manuel, Poy Erram, Baser Amer at Matthew Wright. Group photo ng team ang shinare ni KG Canaleta habang ibinida naman ni Kiefer Ravena ang larawan habang nagdidribol sa walang laman na Araneta Coliseum.
May pagpapahiwatig din sa nalalapit na pagbabalik-liga si dating Gilas Pilipinas stalwart Calvin Abueva na nag-post ng kanyang litrato na may caption na “Come back is real,” bagama’t wala pang opisyal na pahayag ang PBA kung puwede na siyang lumaro mula nang mapatawan ng indefinite suspension noong Hunyo 2019.