LAKE BUENA VISTA, Fla. — Hindi puma-yag ang nagdedepensang Toronto Raptors na mabaon sa 0-3 sa serye.
Nakuha ni OG Anunoby ang isang crosscourt inbound pass mula kay Kyle Lowry at isinalpak ang three-pointer sa pagtunog ng final buzzer para iligtas ang Raptors laban sa Boston Celtics 104-103, sa Game Three ng kanilang Eastern Conference semifinal series kahapon dito.
“It was all those actions that took place that left me open,” wika ni Anunoby. “I don’t shoot trying to miss.”
Idinikit ng Toronto sa 1-2 ang kanilang best-of-seven semis showdown kontra sa Boston. Wala pang koponan sa NBA history na nakabangon mula sa 0-3 series deficit at naiwasang mangyari ito ng Raptors sa kanila.
Tumapos si Lowry na may 31 points, 8 assists at 6 rebounds para sa Raptors habang may 25, 16 at 12 markers sina Fred VanVleet, Pascal Siakam at Anunoby, ayon sa pagkakasunod. Pinamunuan naman ni Kemba Walker ang Celtics sa kanyang 29 points at nagtala si Jaylen Brown ng 19 points at 12 rebounds.
Humataw naman si Kawhi Leonard ng 29 points sa tatlong yugto at may 18 markers si Marcus Morris tampok ang apat na triples para pamunuan ang Los Angeles Clippers sa 120-97 pagbugbog sa Denver Nuggets sa Game One ng kanilang Western Conference semifinals duel.
Tumipa si Leonard ng 12-of-16 fieldgoal shooting para sa 1-0 abante ng Clippers sa kanilang serye ng Nuggets. Nag-ambag si Paul George ng 19 points para sa Clippers na itinarak ang 29- point lead, 91-62 sa third quarter na tuluyan nang nagpaguho sa Nuggets.
Samantala, hinirang si Memphis Grizzlies star Ja Morant bilang runaway winner para sa 2019-2020 NBA Rookie of the Year trophy matapos kumulekta ng 99 mula sa posibleng 100 first-place votes.