Denver pasok na rin sa semis vs Clippers
LAKE BUENA VISTA, Florida — Makokontrol na sana ng nagdedepensang Toronto Raptors ang laro sa third period ngunit biglang kumawala si guard Marcus Smart sa fourth quarter para sa Boston.
Umiskor si Smart ng 16 points sa loob ng tatlong minuto sa kaagahan ng final canto para tulu-ngan ang Boston Celtics na patumbahin ang Raptors, 102-99 sa Game Two at ilista ang 2-0 lead sa kanilang Eastern Conference semis match sa NBA playoffs nitong Martes dito.
“Once I saw the first one go in, I knew,” wika ni Smart na tumapos na may 19 points para sa Celtics habang may 17 at 16 markers sina Kemba Walker at Jaylen Brown, ayon sa pagkakasunod.
Humataw si Jayson Tatum ng 34 points para sa Boston na nakabangon mula sa 12-point deficit sa dulo ng third period at ilista ang ikatlong sunod nilang panalo laban sa Toronto sa NBA bubble at 5-1 ngayong season.
Pinamunuan ni OG Anunoby ang Raptors sa kanyang 20 points kasunod ang 19 markers ni Fred VanVleet na naimintis ang 28-footer sa pagtunog ng final buzzer.
Samantala, isinalpak ni center Nikola Jokic ang kanyang tiebreaking basket sa huling 27 segundo para ilusot ang Denver Nuggets laban sa Utah Jazz, 80-78 sa Game Se-ven ng kanilang Western Conference first-round playoff series.
Tinapos ng No. 3 Nuggets ang kanilang duwelo ng Jazz sa 4-3 para labanan ang second-seed na Los Angeles Clippers sa semifinals series.
Kumolekta si Jokic ng 30 points at 14 rebounds at may 17 markers si Jamal Murray para sa Denver, naging ika-12 koponan sa NBA history na nakabawi mula sa 1-3 pagkakabaon at ipanalo ang serye.