Toronto vs Boston kasado na sa 2nd rnd.
LAKE BUENA VISTA, Florida — Plantsado na ang best-of-seven semi finals series ng nagdedepensang Toronto Raptors at Boston Celtics matapos ma-sweep ang kani-kanilang first round playoff series sa Eastern Conference ng NBA bubble dito kahapon.
Humataw si Norman Powell ng 29 points habang humakot si reserve Serge Ibaka ng 27 points at 15 rebounds para akayin ang No. 2 Raptors sa 150-122 pagmasaker sa No. 7 Brooklyn Nets at kumpletuhin ang kanilang four-game sweep.
“Don’t matter how we do it, by 30 or a point. I just care about winning. It’s a cool little record to have. But I’m not going to harp on it or think about it. On to the next one,” ani Powell.
Nagtala si Pascal Siakam ng 20 points at 10 assists para sa 11-1 record ng Toronto sa NBA bubble at itakda ang kanilang semifinals showdown kontra sa Celtics.
Tumipa naman si Kemba Walker ng 32 points para tulungan ang No. 3 Boston sa 110-106 pagsibak sa No. 6 Philadelphia 76ers para parisan ang 4-0 sweep ng Toronto.
Naglista si Jayson Tatum ng 28 points at playoff career-high 15 rebounds para sa Celtics.
Binanderahan ni Joel Embiid ang 76ers sa kanyang 30 points at 10 rebounds habang nagdagdag si Tobias Harris ng 20 points at 5 rebounds.
Inilista naman ng No. 6 Utah Jazz ang 3-1 bentahe sa kanilang serye ng No. 3 Denver Nuggets matapos ilusot ang 129-127 panalo sa Western Conference.
Nagpasabog si Donovan Mitchell ng 51 points bukod pa ang 7 assists at 4 rebounds para sa panalo ng Jazz.
Samantala, nagsalpak si Luka Doncic ng isang step-back 3-pointer sa pagtunog ng final buzzer para ilusot ang No. 7 Dallas Mavericks laban sa No. 2 Los Angeles Clippers, 135-133, sa overtime.
Tumapos si Doncic na may 43 points, 17 rebounds at 13 assists sa kanyang ikalawang sunod na triple-double para itabla ang Mavericks sa 2-2 sa kanilang serye ng Clippers sa Western Conference.
Umiskor si Lou Williams ng 36 points sa panig ng Clippers habang may 32 at 9 markers sina Kawhi Leonard at Paul George, ayon sa pagkakasunod.
- Latest