Casimero naiinis kay Arum
MANILA, Philippines — Hindi na naitago ni Filipino world bantamweight champion John Riel Casimero ang kanyang pagkainis sa ginawang pagbasura ni legendary promoter Bob Arum sa kanilang laban ni Japanese star Naoya Inoue.
Sa kanyang post sa kanyang social media na Twitter ay sinabi ni Casimero na natatakot lamang ang chairman ng Top Rank Promotions na isagupa sa kanya ang alaga niyang si Inoue.
“Keep your fighter running grandBob,” ang tweet ni Casimero, kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) bantamweight king, patungkol sa 88-anyos na si Arum.
Kamakailan ay napaulat na pinaplantsa ni Arum ang title defense ni Inoue kontra kay No. 1 contender Jason Moloney ng Australia sa Setyembre o Oktubre.
Dalawang beses iniurong ang suntukan nina Casimero at Inoue, may hawak ng World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) bantamweight belts, dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ang pinakahuling pahayag ni Arum ay maitatakda lamang ang unification fight nina Casimero (29-4-0, 20 KOs) at Inoue (19-0-0, 16 KOs) kung papayag ang 30-anyos na tubong Ormoc City na bawasan ang kanyang prize money.
Sa pagkakabasura sa nasabing laban ay may mga opsyon na tinitingnan ang MP Promotions ni eight-division cham-pion Manny Pacquiao para kay Casimero.
Ang mga ito ay sina dating WBA at International Boxing Organization (IBO) bantamweight title-holder Rau’shee Warren (17-3-0, 4 KOs) at Mexican Pedro Guevara (36-3-1, 21 KOs).
Wala pang opisyal na pahayag ang MP Promotions kung sino ang lalabanan ni Casimero.
- Latest