MANILA, Philippines — Sinamantala ni Filipino Grand Master Banjo Barcenilla ang isang endgame blunder ni International Master Yoseph Theofilus Taher sa second board para akayin ang Team Philippines sa 3.5-2.5 paglusot sa Indonesia at manatili sa top spot matapos ang two rounds ng 1st FIDE Online Chess Olympiad kahapon.
Nakipag-draw naman si WIM Kylen Joy Mordido kay WIM Ummi Fi-sabilillah para sa ikalawang panalo ng Pinoy team na katabla sa itaas ang Australia, Germany at Bulgaria sa pare-parehong 4.-0 points.
Nauna nang naiwan sa 1-2 agwat ang mga Pinoy nang makipaghati sa puntos sina GM Mark Paragua at WGM Janelle Mae Frayna kina GM Susanto Megaranto at IM Irine Sukandar, ayon sa pagkakasunod at bigo si WIM Jan Jodilyn Fronda kay IM Medina Warda Aulia habang panalo naman ni IM Daniel Quizon kay IM Gilbert Elroy Tarigan.
Ang panalo ni Barcenilla at draw ni Mordido ang nagtakas sa Pilipinas laban sa Indonesia.
Nanggaling ang koponan sa 6-0 pagblangko sa Kyrgyzstan sa opening round sa pamamagitan ng panalo nina GM Joey Antonio, WIM Catherine Secopito, Jerlyn Mae San Diego, Michael Concio at WIM Bernadette Galas.
Umiskor si Antonio ng 32-move victory laban kay Andrei Maznitsin at pina-dapa ni Secopito si Diana Omurbekova. Pinataob naman nina San Diego, Concio at Galas sina Shakhnazi Musaeva, Aziz Degenbaev at Aizhan Alymbai Kyzy, ayon sa pagkakasunod.