Jalen Green lalaro sa Gilas Pilipinas?

Jalen Green

MANILA, Philippines — Bukas pa rin ang posibilidad na maglaro para sa Gilas Pilipinas si Filipino-American sensation na si Jalen Green kahit na nakalaro na siya sa Team USA.

“It could be a possibility,” anang 18-anyos na pro-digy sa kanyang official media availability kahapon. “I don’t know at this point in time. I played for the USA in the youth team before, so I’m not sure if I could. But it could happen.”

Bilang isa sa top high school prospects sa States, binanderahan ng 6-foot-5 high-flyer ang Team USA tungo sa kampeonato sa 2018 FIBA U-17 World Cup at 2019 FIBA U-19 World Cup sa Greece.

Doon ay nakalaban din ni Green si Kai Sotto ng Gilas Pilipinas na magiging teammate na niya sa bagong select team ng NBA G League simula sa susunod na season.

Nasa radar na rin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas si Green noon pa bago ang kanyang Team USA stint lalo’t nakapagpasiklab na siya sa NBTC National Finals sa nakalipas na tatlong taon bilang bahagi ng koponang FilAm Sports.

Sa ngayon, lalo’t wala pang linaw kung saang national team niya susunod na dadalhin ang kanyang  talento, ilalaan muna ni Green ang atensiyon sa G-League na magiging unang hakbang niya tungo sa pangarap na NBA.

Numero unong man-lalaro ng 2020 Class si Green at makakasama niya ang iba pang high school prospects na sina Sotto, Daishen Nix, Jonathan Kuminga, Princepal Singh at Isaiah Todd sa G League select team sa ilalim ni coach Brian Shaw.

 

Show comments