Raptors ‘di kaya ng LA Lakers

LAKE BUENA VISTA, Fla. – Kumamada si Kyle Lowry ng 33 points at 14 rebounds nang ipagpatuloy ng defending NBA champion Toronto Raptors ang kanilang pagdedepensa ng titulo sa paggupo sa Los Angeles La-kers sa pang-11-sunod na pagkakataon, 107-92 nitong Sabado ng gabi sa NBA season restart sa Disney Resort.

Umiskor si OG Anunoby ng 23 points para sa Raptors, ang No. 2 team sa Eastern Conference na ‘di pa natatalo sa Los Angeles sapul noong 2014-2015 season.

Humataw si Lowry sa second half na umawat sa paghahabol ng Lakers, ang Western Conference leaders na may 1-1 record sa season restart kung saan isang panalo na lang ang kailangan nila para makuha ang top seeding sa West.

Ang tres ni Lowry sa right wing ang nagbigay sa Raptors ng 97-86 bentahe patungo sa huling 3:01 minuto ng laro.

Nagtala si LeBron James ng 20 points at 10 rebounds at may 14-puntos lamang si Anthony Davis matapos itong humakot ng 34 sa kanilang panalo sa Los Angeles Clippers nang lumarga ang season restart noong Huwebes.

Samantala, pagkatapos umiskor ni James Harden ng 49-points sa 20 tira, sinapawan ito ni Indiana forward TJ Warren sa kanyang ‘di inaasahang 53-point performance sa 127-121 panalo ng Pacers kontra sa Philadelphia 76ers.

Tumapos si Warren ng 20-of-29 mula sa field (9-of-12 sa 3-point range) kasama ang 4-rebounds, 3-assists at isang turnover lamang.

Pinunan ni Warren ang pagkawala nina Malcolm Brogdon  na masakit ang leeg at Domantas Sabonis na lumabas ng NBA bubble dahil sa injury sa paa.

Show comments