MANILA, Philippines — Walang nakikitang magiging problema si International Olympic Committee (IOC) Executive Board member Mikee Cojuangco-Jaworski sa idaraos na eleksyon ng Philippine Olympic Committee (POC) sa Nobyembre.
Sinabi ni Cojuangco-Jaworski na sanay na ang POC na magsagawa ng kanilang eleksyon.
“The POC has had a lot of elections already before. So as far as procedure is concerned we had that election last year at naging maayos naman ‘yung procedure,” ani Cojuangco-Jaworski sa lingguhang online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum. “Marunong naman ‘yung POC na magkaroon at mag-handle ng election.
Ang dating national equestrianne ay anak ni three-time POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr.
Ilang pag-amyenda ang isinusulong ni POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino sa kanilang Constituion and By-Laws na pinalagan ng tinatawag na ‘Group of Seven’.
Ang nasabing grupo ay binubuo nina Joey Romasanta, Clint Aranas, Jonne Go, Julian Camacho, Robert Mananquil, Steve Hontiveros at Jeff Tamayo.
Isa sa mga hinarang ng grupo ay ang isinusulong na pagtatakda ng age limit na 70-anyos para sa mga kakandidato sa POC Executive Board na sinasabing gagamitin ni Tolentino para sa kanyang target na ikalawang sunod na term.
“I don’t think there’s going to be any kind of issue with that. But of course the IOC has been hoping that the (POC) Constitution would be ammended by the election para mag-take effect na ‘yung bagong Constitution,” ani Cojuangco-Jaworski.