Mikee Cojuangco pasok sa IOC Exec. Board
MANILA, Philippines — Isang mahalagang posisyon ang nakamit ni dating national equestrianne Mikee Cojuangco-Jaworski sa loob ng International Olympic Committee (IOC).
Inihalal si Cojuangco-Jaworski sa IOC Exe-cutive Board kasama si equestrian Gerardo Werthein ng Argentina sa idinaos na 136th session sa pamamagitan ng isang video conference.
Nauna nang naging miyembro ang 46-anyos na anak ni dating three-time Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. ng IOC noong 2013 sa 125th Session sa Buenos Aires.
Bago naging miyembro ng IOC ay sumikwat si Cojuangco-Jaworski ng gold medal noong 2002 Asian Games sa Busan, Korea at noong 2005 Manila Southeast Asian Games.
Nagreyna rin ang asawa ni dating PBA player Dudut Jaworski, anak ni basketball legend na si Robert, noong 2011 International Equestrian Federation World Dressage Challenge.
Sisimulan nina Cojuangco-Jaworski at Werthein ang kanilang termino bilang miyembro ng IOC Executive Board sa 136th IOC Session.
Pinalitan ng dalawa sina Sergey Bubka ng Ukraine at Singaporean Ser Miang Ng na ibinoto bilang IOC vice-president kasama si John D. Coates ng Australia. May kabuuang 39 babaeng members ngayon ang IOC.
“The Session has demonstrated the IOC’s commitment to promoting gender equality within its leadership,”pahayag ng IOC sa olympic.org.
Ang iba pang naihalal na miyembro ng IOC ay sina Maria de la Caridad Colon Ruenes ng Cuba, Kolinda Grabar-Kitarovic ng Croatia at Princess Reema Bandar Al-Saud ng Saudi Arabia.
- Latest