MANILA, Philippines — Nakatakdang maghanap ng bagong TV broadcast partners ang ilang sports leagues habang wala pang desisyon ang iba kasunod ng anunsyo ng ABS-CBN na ititigil na nito ang operasyon ng Sports + Action channel.
Mas kilala bilang S+A, tahanan ito ng mga local leagues na UAAP, NCAA, MPBL at PVL gayundin ng international sports events na ONE Cham-pionship at NBA.
Kamakalawa ay inanunsyo ni ABS-CBN Integrated Sports head Dino Laurena na isa ang S+A sa apektadong business ng kumpanya sa pagsisimula ng kanilang retrenchment sa susunod na buwan.
Napaso na ang kontrata ng MPBL at UAAP sa ABS-CBN noong Marso at Mayo, ayon sa pagkakasunod at nasa negosasyon sana para sa posibleng bagong partnership bago ibasura ng Kongreso ang aplikasyon ng network sa bagong broadcast franchise.
Mismong ang UAAP at MPBL ang nagsabing bukas sila sa paghahanap ng bagong TV partner dahil sa bagong development na ito. Ang NCAA at PVL naman, na may existing contract pa sa ABS-CBN, ay nakatakdang irebyu ang kanilang susunod na hakbang.