MANILA, Philippines — Markado na ang inaabangang debut ni Thirdy Ravena bilang Asian import ng San-En NeoPhoenix sa Japanese B. League.
Sa Oktubre 3 ang unang salang ng Pinoy standout para sa NeoPhoenix na makakasagupa ang Chiba Jets sa 8,000-seater na Hamamatsu Arena sa Shizouka.
Malaking hamon ang nakaatang kay Ravena upang makapagbigay agad ng impact sa San-En na nangulelat noong nakaraang 2019-2020 B. League season.
Maalat na 5-36 kartada lang ang inabot ng NeoPhoenix sa Central District noong nakaraang taon at hangad nilang pagandahin ngayon ang kanilang kampanya sa tulong ng three-time UAAP Finals MVP at champion na si Ravena, ang unang Asian import sa bagong programa ng B. League.
Inaasahang dadayuhin ng mga Pinoy ang Ateneo standout sa kanyang B. League debut lalo’t lagpas 8, 000 ang mga kababayang nakatira sa Toyohashi City sa Aichi Perfecture na homecourt ng NeoPhoenix.
Sa kabila nito, hindi magiging madali ang unang laban ng 23-anyos na rising star lalo’t top contender na Chiba Jets ang kanilang makakaharap.
Sa pangunguna ng Japan national team member na si Yuki Togashi kasama ang mga imports na sina Shannon Shorter at Josh Duncan, nagtapos sa magarang 28-12 baraha ang Chiba Jets ngayong taon.