Puwede nang mag-practice

Basketball, football pinayagan na ng IATF

MANILA, Philippines — Aprubado na ng IATF ang pagbabalik ng team sports tulad ng basketball at football simula lang muna sa training at conditioning dahil mayroon pa ring banta ng CO-VID-19 pandemic.

Mismong si Presidential spokesperson Harry Roque ang nag-anunsyo ng magandang balita kahapon sa isang press briefing sa Malacañang ayon sa go-signal ng Philippine Sports Commission, Games and Amusement Board at Department of Health.

“Inaprubahan ng PSC, GAB at DOH ang isang Joint Administrative Order kung saan nakalagay ang health enhancing physical sports sa panahon ng pandemya,” ani Roque.

“Pinayagan po ang practice at conditioning ng basketball at saka ng football sang-ayon sa request ng PBA at ng ibang football associations.”

Ang desisyon ay resulta ng masusing pag-aaral at pagpupulong ng IATF kasama ang mga naturang ahensya mula na rin sa request ng Phi-lippine Basketball Association (PBA) at Philippine Football Federation (PFF).

Sa pakikipagtulungan sa GAB ay nagsumite ang PBA at PFF noong nakaraang buwan ng plano upang makabalik sa pagsasanay ang kanilang mga atleta makalipas ang tatlong buwan na pagkakatengga buhat nang mag-lockdown noon pang Marso.

Dahil nasa General Community Quarantine (GCQ) pa rin ang Metro Manila, hanggang limang katao lamang kada-batch ang papayagang makapag-ensayo kasama ang health officer at trainer sa ilalim ng mahigpit na health safety protocols.

Hanggang sampu naman ang puwede sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Dahil dito ay inaasa-hang dahan-dahan na ang training ng 12 koponan ng PBA na TNT, NLEX, Meralco, San Miguel, Ginebra, Magnolia, Blackwater, Northport, Terra Firma (dating Columbian), Alaska, Rain or Shine at Phoenix gayundin ang mga football clubs ng PFF.

Malaking hakbang ang desisyon ng IATF para sa hangarin ng PBA gayundin ng PFF na makabalik na ang mga liga nila lalo na kapag gumanda na ang sitwasyon at bumaba na sa MGCQ ang NCR.

Mag-aapat na buwan nang natengga ang 44th Season ng PBA buhat nang makapagsalang lang ng isang laro sa pagitan ng San Miguel at Magnolia sa pagbubukas ng 2020 Philippine Cup noong Marso.

 

Show comments