Wilson Chandler out sa NBA restart
MANILA, Philippines — Hindi na rin sasama si Brooklyn Nets forward Wilson Chandler sa NBA season restart sa Disney World sa Orlando Florida ayon sa ulat ni Malika Andrews sa ESPN.
Nag-abiso na ang 33-gulang na player sa kanyang team at ang kanyang rason ay nais niyang makasama pa ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang tatlong anak at lola na nagpalaki sa kanya.
Sa pagkawala ni Chandler na nasa kanyang ika-12th season at starter sa huling tatlong laro ng Nets bago natigil ang liga dahil sa pandemya, inaasahang pupuno sa kanyang maiiwang trabaho sina Rodions Kurucs at Taurean Prince bagama’t pinapirma ng Nets si free agent Justin Anderson para makumpleto ang team roster.
Halos sigurado na ang Nets ng playoff slot sa Eastern Conference dahil hawak nila ang No. 7 spot sa 30-34 record patungo sa huling tig-walong laro at lamang sila ng anim na games sa ninth place na Washington Wizards.
Malaking hamon sa Brooklyn ang pagkawala ni Kyrie Irving dahil sa kanyang season ending shoulder injury at hindi rin makakabalik agad si Kevin Durant na nagre-rekober pa sa ACL.
Ang iba pang player na hindi sasama sa 22-team season resart ay sina Portland Trail Blazers forward Trevor Ariza, Washington Wizards forward Davis Bertans, Los Angeles Lakers guard Avery Bradley, Dallas Mavericks center Willie Cauley-Stein at inaasahang madaragdagan pa sila sa mga susunod na araw.
Hindi obligado ang mga players na sumama sa Disney Resort ngunit mababawasan ang kanilang mga suweldo depende kung ilang laro na wala sila.
- Latest