MANILA, Philippines — Mula sa “Ageless Rock” patungo sa “Coach Asi”.
Iyan ang daan at karerang nais tahakin ng beteranong si Asi Taulava sakaling magtapos na ang pag-lalaro para sa NLEX Road Warriors sa Philippine Basketball Association (PBA).
“I have one leg in. I’ve already stuck one of my foot to the door,” saad ng legendary big man.
Bagama’t edad 47-anyos na, plano ng 2003 PBA Most Valuable Player na umukit pa ng kasaysayan sa kanyang playing career sa posibleng ika-21 taon sana nito sa naudlot na 45th Season ng PBA.
Kung magtutuluy-tuloy, ang 1999 Mobiline Phone Pals direct hire ang kauna-unahang Pinoy na makapag-lalaro ng higit sa apat na dekada sa basketball.
At para sa kanya ay hudyat na rin iyon upang maghanda sa susunod na kabanata ng kanyang career na walang iba kundi coaching.
Sa ngayon ay nagsisilbi nang assistant coach si Taulava ni Paul Ramos sa UP Women’s Basketball team sa UAAP kung saan naglalaro ang kanyang anak na si Ash.
Posible rin siyang mapasali sa staff ni coach Yeng Guiao sa NLEX kapag natapos na ang paglalaro at balak ding tulungan si coach Patrick Aquino na lalong mapalakas ang Gilas Pilipinas women’s program.
“I have a good coach ahead of me. I want to thank coach Paul (Ramos) for giving me that opportunity,” dagdag ng Fil-Tongan big man.
Sa ngayon, habang nasa indefinite break pa ang local sports kabilang na ang UAAP at PBA ay ginugugol muna ng dating Philippine national team player ang panahon upang sanayin ang mga anak lalo na ang promising collegiate player na si Ash.