James Younghusband nag-retire
MANILA, Philippines — Sa tingin ni Filipino football star James Younghusband ay ito na ang tamang panahon para magretiro.
Ito ang inihayag ng 33-anyos na si Younghusband sa kanyang Instagram account matapos ang 15 taon na pag-lalaro para sa Pilipinas at sa mga local football club teams.
“Time to say goodbye. Thank you for the ama-zing memories. I have loved playing this game,” wika ni Younghusband, isa sa mga nanguna sa makasaysayang kampanya ng Philippine Azkals noong 2010 Suzuki Cup na bumuhay sa local football.
Kasama ang kanyang kapatid na si Phil na nauna nang nagretiro, si Younghusband ang isa sa naging susi sa pamamayagpag ng Azkals matapos maglaro sa English club team na Chelsea.
Unang naglaro si Younghusband para sa national team bilang bahagi ng Under-23 squad noong 2005 Southeast Asian Games hanggang sa unang pagsabak ng bansa noong 2019 AFC Asian Cup sa United Arab Emirates.
Sumipa si Younghusband ng kabuuang 13 goals sa 101 beses niyang paglalaro sa Azkals.
Isinuot din ni Younghusband ang mga uniporme ng local club teams na San Beda, Loyola Meralco Sparks, Davao Aguilas at Ceres.
- Latest