MANILA, Philippines — Kahit sinong super bantamweight champion ay kaya nang hamunin ni ‘Magic’ Mike Plania.
Ito ang sabi ni international matchmaker Sean Gibbons, ang adviser ni Plania, matapos talunin ng 23-anyos na Filipino fighter si top bantamweight contender Joshua Greer, Jr. sa isang 10-round, non-title fight noong Miyerkules sa Las Vegas, Nevada.
Pumayag si Plania na bumaba ng timbang mula sa pagiging super bantamweight fighter para labanan si Greer, ang No. 1 contender sa World Boxing Organizaton (WBO) bantamweight division na pinaghaharian ni Pinoy titlist Johnriel Casimero.
“He’s not fighting at 118 (bantamweight),” wika ni Gibbons sa pa-nayam ng BoxingScene.com. “We’re looking for a title shot for him at 122 (super bantamweight). He’d be happy taking on any champion he can get a shot at, at 122 pounds.”
Si Bob Arum ng Top Rank Promotions ay may contractual options kay Plania (24-1-0, 12 KOs) matapos talunin si Greer (22-2-1, 12 KOs).
Ayon kay Gibbons, hindi na kakayanin ng tubong General Santos City ang muling lumaban sa bantamweight division.
“It would be ugly,” ani Gibbons sa pagbaba ni Plania sa 118 pounds. “You can say, ‘Oh, he got to 119½. What’s one pound?’ Well, one pound might as well be a hundred pounds at a certain point. The body just tells you, ‘No more. That’s it.’ ”
Sa super bantamweight class ay maaa-ring hamunin ni Plania si WBO king Emanuel Navarette ng Mexico na nasa bakuran din ng Top Rank.
Umiskor si Navarette (32-1-0, 28 KOs) ng isang sixth-round KO win kay Uriel Lopez (13-14-1, 6 KOs) noong Sabado sa Mexico City ngunit sinabi ni Arum na posibleng bitawan ng 25-anyos na si Navarette ang kanyang WBO super bantamweight belt para umakyat sa featherweight (126 pounds).
Puwede ring hamunin ni Plania, ang No. 10 at No. 12 contender sa World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF), ayon sa pagkakasunod na si Murodjon Akhmadaliev (8-0-0, 6 KOs).
Ang Uzbek ang kasalukuyang may hawak ng mga korona ng WBA at IBF super bantamweight divisions.