MANILA, Philippines — Isa si San Miguel veteran guard Chris Ross sa nagpahiwatig ng kanyang pangamba ukol sa muling pagbubukas ng PBA Season 45.
Siya ang inaasahang isa sa mga players na makikipag-usap kay PBA Commissioner Willie Marcial ngayong araw.
Pakikinggan ni Marcial ang mga opinyon at hinaing ng tig-dalawang players mula sa 12 PBA teams kaugnay sa posible nilang pagbabalik-ensayo sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Nakatakda ang nasabing pulong sa lobby ng PBA Office sa Libis, Quezon City kung saan ipapatupad ang social distancing.
Ipapaliwanag ni Marcial sa mga players ang safety at health protocols na inaprubahan ng Board of Governors na kanilang isinumite sa Inter-Agency Task Force on Emerging Diseases (IATF).
Gagamitin ito ng liga sa sandaling payagan na ang mga team practices at activities.
Sa guidelines ay apat na players lamang ang papayagan sa isang training facility bawat sesyon kasama ang isang trainer at isang health officer.
Sasailalim din ang mga players sa COVID-19 testing bago payagang mag-ensayo bukod pa sa regular na pagdi-disinfect sa gagamiting facility.
Nasa General Community Quarantine (GCQ) pa rin ang Metro Manila hanggang Hunyo 30 at ipinagbabawal ang mass gathering at contact sports kagaya ng 5-on-5 basketball, football at boxing.