MANILA, Philippines — Isa nang milagro ang buhay ng PWD (person with disability) chess player na si Sander Severino at isa pang milagro ang kanyang panalo sa the International Physically Disabled Chess Association (IPCA) World Online Chess Rapid Championship para maging unang Pinoy na world titlist sa naturang sport.
Walong taong gulang noon ang 34-gulang na ngayong si Severino nang maaksidente ito kasama ang kanyang ama.
Nang pumunta sila sa Philippine General Hospital (PGH) para sa treatment, natuklasan doon na may sakit siya at sinabihang masuwerte na siyang umabot ng hanggang 20-gulang dahil sa sakit na muscle degeneration.
“Sa tulong ng aking pamilya at ng Diyos, naabot ko ang aking mga pangarap,” sabi ni Severino, Asian at ASEAN Para Games gold medalists.
Chess ang kanyang pinagkaabalahan. Ito ang kanyang naging motibasyon at naabot niya ang kanyang pangarap na maging world champion dahil sa isa na namang milagro.
Posible sanang natalo si Severino kung hindi nag-resign bago mawalan ng kuryente, ang five-time world standard chess king International Master na si Igor Yarmonov ng Ukraine.
Kung nangyari ito ilang segundo pagka-brown-out, magtatapos silang dalawa na tabla sa 7.5 at si Yarmonov sana ang panalo dahil sa win-over-the-other rule.
“Tingin ko may divine intervention dahil namatay ‘yung ilaw segundo lang nung mag-resign siya. Sa awa ng Diyos,” sabi ni Severino.
Sa loob lamang ng walong buwan sapul noong nakaraang taon, si Severino ang ikatlong Pinoy na naging world champion matapos nina gymnast Caloy Yulo at boxer Nesthy Petecio na magkasunod na nanalo noong October, 2019.