Walang dudang live contracts ang isa sa mga nasa isipan ng mga PBA players sa kasalukuyang panahon na puwersado silang nabakasyon dahil sa COVID-19.
Kritikal na ang panahon dahil marami sa kanila ay pa-expire na ang kontrata at nananatiling walang kasiguruhan kung kailan uusad uli ang PBA.
Nasa mga mother ball clubs na kung patuloy silang aayudahan kung sakaling lumipas na ang kanilang kontrata.
Siyempre, kukuya-kuyakoy lang ang mga players na may live contracts. Wala silang pangambang humaba ang indefinite suspension ng PBA season dahil garantisado ang kanilang kita.
Pero generally, inip na ang mga manlalaro at kating-kati na ang mga paa na muling itapak sa hardcourt.
Umaasa ang PBA na aayunan ng gobyerno ang kanilang hiling na mapayagan ang dahan-dahang balik sa ensayo. Malaki ang kanilang kumpiyansa kaya nais nilang ilatag ang plano sa pakikipagpulong sa mga representative na players ng mga team sa June 23.
By August, malaking bulto ng players ang tapos na ang kontrata, kasama rito sina Arwind Santos, Alex Cabagnot at Jeron Teng. Siyempre gusto nilang tumakbo na uli ang PBA at nang sila ay muling makapirma ng bagong kontrata.
Isa si LA Revilla sa naunang napaso ang kontrata.
“So test case siya kung tuloy na maaayudahan kahit tapos na ang kontrata,” ani Danny Espiritu, ang batikang player agent.