NEW YORK — Kinatigan din ng National Basketball Players Association ang naunang desisyon ng NBA Board of Governors na aprubahan ang isang 22-team format para makumpleto ang 2019-20 season.
“The Board of Player Representatives of the National Basketball Players Association (NBPA) has approved further negotiations with the NBA on a 22-team return to play scenario to restart the 2019-20 NBA season,” pahayag ng NBPA sa isang statement.
Magpupulong ang NBA at NBPA sa susunod na linggo para plantsahin ang iba pang detalye para sa pagbabalik ng season na gagawin sa Walt Disney World Resort sa Orlando, Florida.
Sinasabing payag ang dalawang grupo na simulan ang mga laro sa Hulyo 31.
“Various details remain to be negotiated and the acceptance of the scenario would still require that all parties reach agreement on all issues relevant to resuming play,” wika ng NBPA na pinamumunuan ni Chris Paul.
Ipinagbigay-alam din sa NBPA player leadership ang plano para sa pagla-lock-in ng 1,600 tao sa Orlando bubble.
Limitadong family members, posibleng tatlo kada- pamilya, ang papayagan para samahan ang mga players sa Orlando matapos ang first round ng playoffs.
Kamakalawa ay inaprubahan ng NBA Board ang muling pagsisimula ng season na sinuspindi noong Marso 11 matapos magpositibo sa COVID-19 si Utah Jazz center Rudy Gobert, kung saan sandamakmak na protocols ang kailangang sundin ng lahat.