3 Pinoy cue artists na-sweep ang Scotty Townsend tourney
MANILA, Philippines — Nakumpleto ng mga Pinoy cue masters ang pagwalis sa tatlong titulo sa 2020 Scotty Townsend Memorial Tournament nang pagharian ni Zoren James Aranas ang 9-Ball Open Division na ginanap sa West Monroe sa Los Angeles, California.
Nakapasok si Aranas sa finals nang walisin niya ang pitong laro sa eliminasyon dahilan para mabiyayaan siya ng ‘twice-to-beat’ card sa championship round.
Lumasap ng 8-9 kabiguan si Aranas laban kay Josh Roberts ng Amerika sa Game 1 ng finals para maipuwersa ang rubber match.
Ngunit niresbakan ni Aranas si Roberts, 7-3, para angkinin ang korona.
Napasakamay ni Aranas ang $4,000, habang nagkasya si Roberts sa $1,900 konsolasyon.
Kabilang sa mga tinalo ni Aranas ay sina Gabriel Alexander sa first round (9-5), David Walker sa second round (9-4), Naoyuki Oi sa third round (9-5), Justin Hall sa fourth round (7-0), Roberto Gomez sa fifth round (9-6), Tony Chohan sa quarterfinals (9-5) at Shane McMinn sa semifinals (9-6).
Ito ang unang korona ni Aranas para sa taong 2020 matapos pumangatlo ng tatlong beses sa 2020 Derby City Classic 9-Ball Division sa Elizabeth, Indiana; Turning Stone Classic sa New York; at Cajun Coast 9-Ball Open sa Louisiana.
Nauna nang naghari sa 2020 Scotty Townsend Memorial Tournament sina dating world champion Dennis Orcollo (10-Ball event) at legendary cue master Francisco “Django” Bustamante (One Pocket event).
- Latest