MANILA, Philippines — Hindi lamang basta-basta entrance ang ginawa ni June Mar Fajardo sa pagpasok niya sa court ng Smart Araneta Coliseum kahapon.
Nakasakay sa isang electric scooter, tinanggap kahapon ng 6-foot-10 San Miguel star center ang kanyang PBA record na ikaanim na sunod na Most Valuable Player award.
Ang pagsakay ng 30-anyos na Cebuano slotman sa electric scooter ay dahil sa kanyang right leg injury na natamo niya sa offseason practice ng Beermen bilang preparasyon sa 2020 PBA Philippine Cup.
Dahil sa injury ay hindi na makakalaro si Fajardo sa kabuuan ng season-opening conference na idedepensa ng San Miguel sa ikaanim na sunod na pagkakataon.
Inungusan ni Fajardo para sa MVP award sina Fil-German big man Christian Standhardinger ng NorthPort, Columbian rookie CJ Perez at point guard Jayson Castro ng TNT Katropa.
Kinilala naman si Perez bilang PBA Rookie of the Year.
Sina Fajardo at Perez at kasama sina Castro, Standhardinger at Sean Anthony ng NorthPort ang bumuo ng First Mythical Team.
Napasama rin sina Fajardo, Perez at Anthony kina Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra at Chris Ross ng San Miguel sa PBA All-Defensive Team.
Ang Second Mythical Team ay binubuo nina Aguilar at Stanley Pringle ng Ginebra, RR Pogoy at Troy Rosario ng TNT Katropa at Ian Sangalang ng Magnolia.
Iginawad naman kay Moala Tautuaa ng San Miguel ang Most Improved Player award, samantalang ibinigay kay forward Gabe Norwood ng Rain or Shine ang Samboy Lim Sportsmanship award.