MANILA, Philippines — Hindi lamang ang pagbubukas ng 45th PBA Season ang matutunghayan ng mga fans dahil makikilala na rin ang mga pinakamagagaling na manlalaro sa nagdaang 44th Season sa 2-in-1 event ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na sabay na idaraos ng pinakamatandang pro league sa Asya ang opener at Leo Awards matapos sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Nakatakda ang Leo Awards sa alas-4:30 ng hapon bago ang parada ng mga koponan at opening match sa pagitan ng five-time champions na San Miguel at Magnolia sa alas-7:30 ng gabi.
Hindi makakalaro si five-time MVP June Mar Fajardo para sa Beermen, ngunit inaasahang tatanggapin niya ang makasaysayang ikaanim na Season MVP award upang pangunahan ang mga Leo awardees.
Nagwagi ng Best Player of the Conference ng Philippine Cup ang 6-foot-10 na si Fajardo noong nakaraang season at nadala sa dalawang kampeonato ang San Miguel.
Sigurado na rin sa PBA Rookie of the Year trophy si CJ Perez ng Columbian bukod pa sa pagiging scoring champion at Mythical Five candidate.
Maliban sa MVP at ROY ay igagawad din ng PBA ang Most Improved Player, Samboy Lim Sportsmanship award, Mythical First at Second Team gayundin ang All-Defensive Team.
Ayon sa PBA, posibleng maging tradisyon na ang sabay na opening at ang Leo Awards sa misyong mapagkasya ng liga ang year-long calendar nito alinsunod sa international tournaments.