MANILA, Philippines — Nagsosyo sa top spot ng leader board ang Petron Blaze Spikers at Sta. Lucia Lady Realtors matapos pabagsakin ang kani-kanilang kalaban sa 2020 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pinabagsak ng nagdedepensang Blaze Spikers ang Chery Tiggo Crossovers, 25-17, 25-22, 25-21, habang pinadapa ng Lady Realtors ang Marinerang Pilipina Lady Skippers, 25-19, 21-25, 30-28, 25-20.
Binanderahan ni American import Khat Bell ang tropa matapos magtala ng 21 points sa likod ng 20 attacks at isang block para tulungan ang Blaze Spikers na ibulsa ang ikalawang sunod na panalo.
Naramdaman din ang presensya nina national team members Ces Molina at Aiza Maizo-Pontillas nang mag-ambag ng 16 at 9 markers, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, namayagpag naman para sa Sta. Lucia si veteran skipper Honey Royse Tubino nang magrehistro ng 24 points mula sa 22 attacks at 2 aces at nagsahog ng 19 markers si Canadian import Shainah Joseph.
Nagningning din si Fil-Am MJ Phillips nang nagtala ng 13 points mula sa 8 attacks, 3 kill blocks at 2 aces, habang may 7 markers si Mika Reyes.
Nadulas sa 1-1 baraha ang Crossovers at laglag naman sa 0-2 ang record ng Lady Skippers.