Pagbabalik ni Sato sa NU malaking tulong
MANILA, Philippines — Sa pagbabalik sa UAAP ni Risa Sato ay nabawasan ang trabahong binibitbit ng coaching staff ng National University Lady Bulldogs dahil isa siya sa mga naasahan ng tropa pagdating sa pagdidisiplina sa mas batang mga manlalaro.
Matapos mawala ng isang taon sa liga dahil sa academic defiency ay nagbalik collegiate league ang Filipino-Japanese middle blocker kung saan isa siya sa mga nanguna para ibulsa ng Bustillos-based team ang unang panalo sa University of Santo Tomas.
Para kay NU head coach Norman Miguel, malaki ang naging kabawasan sa trabaho nila sa pagkakatalaga kay Sato bilang team captain ng koponan dahil naibabahagi niya sa lahat ang sistema at disiplina na tinataglay ng isang Japanese player.
“Noong ginawa naming team captain si Risa, nagbigay siya ng sistema sa team namin at sa part ng coaching staff ay nababawasan ‘yung trabaho namin when it comes to ‘yung pagdidiscipline sa mga bata. Being a Japanese player, little by little nag-i-input siya ng sistema ng how to discipline a Japanese player,” sabi ni Miguel.
Pinuri rin ni Miguel ang ginagawang aksyon ni Sato pagdating sa kanilang training lalo na’t pinatupad nito ang ‘mop system’ sa koponan kung saan may bitbit na basahan ang likod ng players at sila ang magpupunas sa tuwing mababasa ang taraflex na gamit nito.
“Organized lahat ng kilos namin sa team at siya ang nag-instill noon pati ‘yung pag-iingay sa training, the typical Japanese training. Nakatulong talaga sa amin. Sa kanya pa lang napi-filter na ‘yung mga maling nangyayari,” dagdag pa ni Miguel.
Sa parte ni Sato, alam niya na mabigat ang role na kailangan niyang gampanan bilang ‘ate’ sa mga mas nakababatang manlalaro kaya’t hirap man mag-Tagalog ay doble-kayod siya.
“Parang kailangan talaga kasi mayroong rookies. So kailangan talaga akong mag-work,” pahayag ni Sato.
- Latest