VIGAN CITY, Philippines — Bago nagsimula ang 10th edition ng LBC Ronda Pilipinas ay pakay ni two-time champion Jan Paul Morales ng Standard Insurance-Navy na ikahon ang kanyang pangatlong titulo.
Ngunit hindi man ito natupad ay masaya naman ang 34-anyos na si Morales dahil nagkampeon sila sa team classification at sa individual sa event na inorganisa ng LBC sa pakikipagtulungan sa Manny V. Pangilinan Sports Foundation.
“Masaya ako kahit hindi ako naging GC rider ngayon kasi nakatulong ako sa team at nagtagumpay kami,” sabi ni Morales, ang 2016 at 2017 champion.
Nagdagdag sa kasiyahan ni Morales ang panalo niya sa Stage Six, Seven at Ten.
“Okay na rin nanalo ako ng tatlong laps. Nanalo kami sa team tapos teammates ko ang nagwagi sa overall individual, mountains classification at ako sa sprint,” wika ni Morales.
Si George Oconer ng Navy ang nagkampeon sa karera matapos talunin sina dating Ronda kings Santy Barnachea (2011, 2015) ng Scratch It, Mark Galedo (2012) ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines, Reimon Lapaza (2014) ng Celeste Cycles at ang mga Standard teammates na sina Morales (2016, 2017) at Ronald Oranza (2018).
Sinabi naman nina LBC Ronda Pilipinas chairman Moe Chulani at project director Bernadette Guerrero na ilalarga ang 11th edition ng LBC Ronda Pilipinas sa Mindanao sa 2021.