MANILA, Philippines — Kapwa magarbong binuksan ng Ateneo de Manila University Lady Eagles at National University Lady Bulldogs ang kani-kanilang kampanya sa UAAP Season 82 women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Winalis ng nagdedepensang Lady Eagles ang University of the Philippines Lady Maroons, 25-13, 25-17, 25-23 at tinakasan ng Lady Bulldogs ang 2019 season’s runner-up na University Santo Tomas Golden Tigresses, 22-25, 25-23, 20-25, 25-20, 15-13.
Binanderahan ni graduating hitter Kat Tolentino ang koponan matapos kumana ng 15 points mula sa 12 attacks at 3 kill blocks, habang may 10 markers si rookie Faith Nisperos sa kanyang senior’s debut.
“We’re so grateful and finally we had an opportunity to play again in the UAAP and thankful also the Lord gave us this first win,” ni coach Oliver Almadro
Nasa match point ang Lady Eagles pero nagawa pa ring makadikit ang Lady Maroons sa 23-24.
Pinamunuan naman ni 6-foot-2 Congolese rookie Margot Mutshima ang opensa ng Lady Bulldogs sa kanyang game-high na 23 points.
Sa men’s division, pinadapa naman ng nagdedepensang NU Bulldogs ang UST Tigers, 27-25, 23-25, 25-19, 27-25, samantalang winalis ng UP Fighting Maroons ang Ateneo Blue Eagles, 25-21, 25-20, 25-22.