Didal pumangatlo sa Tampa Pro
MANILA, Philippines – Patuloy ang paglipad ni Margielyn Didal sa international skateboarding scene para sa misyong makapasok sa 2020 Tokyo Olympic Games.
Pumangatlo ang 20-anyos na Cebuana sa women’s street event ng 26th Tampa Pro Competition Women’s Open sa Florida, USA sa likod nina Japanese bets Hina Maeda at Yumeka Oda.
Bahagi ito ng patuloy na pagkolekta ni Didal ng ranking points para manatili sa Top 20 list.
Ang 20 pinakamagagaling na skaters lamang ang papasok sa 2020 Tokyo Olympics hanggang sa nakatakdang qualification sa Mayo.
Sa ngayon ay nasa No. 14 si Didal at namumurong maging kauna-unahang Filipina skateboarder sa Summer Games na idaraos sa Japan sa Hulyo.
May nakalinya pang kompetisyon si Didal ngayong Marso sa Peru at gayundin sa Japan, USA at London bago matapos ang qualifiers.
Noong nakaraang taon ay nagwagi rin siya ng dalawang gintong medalya sa Exposure All-Women’s Skateboarding Championships at Ladies Day Skate sa LA, California na sinundan niya ng twin-kill sa 30th Southeast Asian Games.
Nanalo na rin si Didal ng gold medal noong 2018 Asian Games bukod pa ang pagkakasali sa TIME’s Most Influential Teens sa buong mundo kaya’t ang makapasok at manalo na lamang sa Olympics ang kulang sa kanyang resume.
- Latest