Blaze Spikers buwenamano

Hinatawan ni Petron import Khat Bell ang depensa ng Generika-Ayala.
PM photo ni Joey Mendoza

MANILA, Philippines — Magarbong sinimulan ng Petron Blaze Spikers ang kampanya sa pagdepensa sa titulo ng Philip­pine Superliga (PSL) Grand Prix nang walisin ang Generika-Ayala Life­sa­vers, 25-22, 25-22, 25-21, kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Marami mang nagdu­da dahil sa pagkalagas ng halos lahat ng kanilang manlalaro, pinatunayan pa rin ng defending champions na dapat silang bantayan sa import-laden na conference na ito kasabay ng pagkadagit sa unang pa­nalo ngayong taon.

Umariba si American import Khat Bell nang banderahan ang koponan sa likod ng kanyang 17 points, habang may 11 markers si middle blocker na si Rem Palma.

Naramdaman din ang bangis na bagong recruit na middle blocker na si Lut Malaluan nang magrehistro ng 6 points at may pinagsamang 10 puntos sina Aiza Maizo-Pontillas at Ces Molina.

“Medyo satisfied na in spite na maraming (si­na­sabi) ‘yung critics sa amin. Sabi ko nga, ako ‘yung coach na positive thinker na nagtitiwala sa mga players na kung kaya namin gumawa,” ani Petron coach Emil Lontoc.

“Naging effective naman ‘yung game plan namin sa una kasi napanood ko ‘yung team na iyan (Ge­nerika) and close fight talaga pero sabi ko nga, da­pat namin i-improve ‘yung blocking skills namin.”

Hindi naging madali para sa Petron na naibulsa ang panalo dahil pilit si­nabayan ng Lifesavers ang laro nila lalo na sa third set kung saan nakalamang sila sa 18-17 bago nagising si Bell at Palma para sa 23-19 bentahe.

 

Show comments