Aquino umaasang makukuha si Perrin para sa women’s team
MANILA, Philippines — Patuloy ang pagpapalakas ni Gilas Pilipinas women’s program director at head coach Patrick Aquino sa national women’s team.
Sa kanyang pagtungo sa US kamakailan lamang para sa Gilas tryout recruitment ay natiyak ni Aquino ang serbisyo ng Fil-Am na si Jenesis Perrin.
Nasa edad 16-anyos pa lamang at may taas na 6-foot-5 ang promising player na magiging malaking tulong sa gumagandang Gilas women program.
Kasalukuyang nag-aaral si Perrin sa Lawrence Academy sa Massachusetts.
Upang maging opisyal na local player ng Gilas Pilipinas program at hindi naturalized ay kailangang makakuha si Perrin ng Philippine passport na siyang pangunahing requirement ng International Basketball Federation (FIBA) sa pagsapit ng 16-anyos ng sinumang manlalaro.
Inaasahang kaagad paplantsahin ito ng Samahang Basketbol ng Pilipinas upang madagdagan ang Gilas Pilipinas core nina Kelli Hayes, Jack Animam, Janine Pontejos at Afril Bernardino.
Habang hindi pa naman ayos ang kanyang papeles, posibleng isalang muna ni Aquino si Perrin sa FIBA 3x3 Tournaments simula sa FIBA 3x3 Under-17 Asia Cup sa Malaysia sa Hunyo 4-7.
Ang US tour ni Aquino ay bahagi ng walang humpay niyang paghahanap ng mga Filipina talents matapos ang ginanap na national open tryouts sa Maynila at Cebu City na dinaluhan ng daan-daang aspirants noong nakaraang buwan.
Sa ilalim ni Aquino, umukit ng kasaysayan ang Gilas Pilipinas women nang makuha ang gold medal sa 2019 SEA Games.
Nagwagi rin sila sa inaugural 3x3 basketball para sa pambihirang twin-kill na naging malaking tulong sa overall championship ng Pilipinas.
Nanatili ring nasa elite Division A status ang Gilas Pilipinas women sa FIBA Women’s Asia Cup bukod pa ang regular na pagkuwalipika sa Women’s Jones Cup at FIBA Asia Pre-Olympic Qualifying Tournament.
- Latest