MANILA, Philippines – Nasa kasagsagan na ng pag-uusap ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at si dating PBA import Chris McCullough para maging naturalized player ng Gilas Pilipinas.
Mismong si SBP president Al Panlilio ang mismong lumapit kay McCullough noong nakaraang taon matapos ang madalas nitong pagpaparamdam na nais niyang maglaro para sa bansa.
Inamin ng dating NBA player ang kanyang malalim na interes sa posibleng naturalization process subalit nilinaw ni Panlilio na nasa “early stage” pa lamang ang kanilang diskusyon.
Ayon kasi kay Panlilio, ang Governor din ng Meralco sa PBA Board, magkaiba ang pagpapakita ng interes pa lamang sa pagsang-ayon sa naturang plano.
Ito ang bagay na kinaklaro na niya at pinapatrabaho kay Gilas manager Gabby Cui.
Matatandaang noong nakaraang taon ay dinala ng Brooklyn Nets standout ang Beermen sa korona ng 2019 PBA Commissioner’s Cup.
Sa edad na 24-anyos pa lamang at may balanseng galing sa ilalim at sa labas, perpekto si McCullough bilang posibleng susunod na naturalized player ng Gilas Pilipinas matapos si Andray Blatche.
Kasalukuyan pang naglalaro si McCullough sa Korean Basketball League.
Nauna nang sinibak ng SBP si Blatche bilang long-time naturalized player ng Gilas Pilipinas na pinagsilbihan niya simula sa 2014 FIBA World Cup.
Nilinaw naman ni Panlilio na sa ngayon ay wala pang pinal na pangalan ng kanilang mga prospects dahil dedepende ito sa mapipiling permanent Gilas Pilipinas head coach.
Subalit tiniyak ni Panlilio na ang sinumang mga kandidato ay ilalagay sa pool of naturalized players na magiging malaking bahagi sa misyon ng Gilas Pilipinas na magkaroon ng maraming opsyon sa iba’t ibang tournament.
Ilan pa sa matunog na pangalan ay sina resident PBA import Justine Brownlee at Ateneo reinforcement Ange Kouame na parehong gumugulong na sa kongreso ang naturalization process.