SMB vs Magnolia sa pagbubukas ng PBA Season
MANILA, Philippines — Inilabas kahapon ng Philippine Basketball Association ang kumpletong schedule para sa 2020 Philippine Cup, ang unang conference ng 45th Season.
Katulad ng naunang pahayag ng pro-league, maugong na rematch ang magbubukas ng bagong PBA Season sa Marso 8 sa Smart Araneta Coliseum sa pagitan ng San Miguel at Magnolia na naglaban para sa All-Filipino Conference championship noong nakaraang taon.
Bago ito ay gagawaran naman ang pinakamagagaling na manlalaro sa nakalipas na 44th PBA Season sa Leo Awards.
Sina June Mar Fajardo ng San Miguel at CJ Perez ng Columbian ang inaasahang tatanggap ng MVP at Rookie of the Year, ayon sa pagkakasunod.
Sa katunayan ay naurong ang PBA opening bunsod ng COVID-19.
Nakatakda sana itong magbukas sa Marso 1 sa parehong venue.
Matapos ang bakbakan ng San Miguel at Magnolia ay susundan ito ng labanang TNT at Phoenix gayundin ng NLEX at NorthPort sa Marso 11 sa Big Dome.
Magtatagisan naman ang Alaska at Columbian sa Marso 13 at ang Rain or Shine at San Miguel ulit sa parehong venue pa rin ayon sa full schedule na inanunsyo ng PBA sa ginanap na press conference sa Conrad Hotel.
Dadayo naman kaagad ang PBA sa Balanga, Bataan sa Marso 14 para sa sagupaang Barangay Ginebra at Blackwater.
Kukumpletuhin ng laro ng Phoenix at NLEX at salpukan ng Magnolia at Meralco ang unang linggo ng PBA.
Samantala, gaganapin naman ang PBA Media Day bukas upang magbigay ng panahon ang mga manlalaro at coaches sa mga fans at media bago ang pagsalang nila sa aksyon.
Ito na ang ikalawang taon na magdaraos ng Media Day ang PBA.
- Latest