Munting Anghel humarurot

MANILA, Philippines — Naligwak ang bulsa ng mga liyamadista matapos manalo ang dehadong Munting Anghel sa Philracom-RBHS Class 4 na pinatakbo sa Race 7 noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmo­na, Cavite.

Dahil sa panalo ng Munting Anghel ay nagkaroon ng carry-over sa Quartet at Pentafecta.

Sinamantala ng Munting Anghel ang tulin nito sa largahan kaya nahawakan kaagad ang dalawang ka­bayong agwat sa backstretch.

Pagkakuha ng unahan ay tinipid ni class B rider LA Aguila ang Munting Anghel upang makaipon ng lakas sakaling may rumemate.

“Solo kami sa unahan kaya hindi ko masyadong nilarga ang Munting Anghel kasi mahaba pa ang karera,” kuwento ni Aguila.

Pagsapit ng far turn ay nagpumilit kumapit ang Speak Easy at Gonzee’s Bet pati na ang Hidden Eagle at Golden Casino.

Subalit naging matatag ang winning horse kahit umu­ngos nang bahagya ang Speak Easy sa hu­ling kur­bada ay nakuhang muli ng Munting Anghel ang una­han patungo sa panalo.

May distansyang 1,400 meter race, tinawid ng Munting Anghel ang meta na isang kabayo ang distansya sa nasegundong Tenseventeen.

Tumersero ang Golden Casino.

Nagkaroon ng carry over na P32,072.17 sa quartet habang P27,733.16 ang CO sa pentafecta.

Maganda ang naging dibidendo sa 2nd Pick Six sa pagkakapanalo ng Muntik Anghel at nagbigay ito ng P42, 869.80 kada taya.

Show comments