Petecio, Diaz, 10 pa major awardees ng PSA
MANILA, Philippines — Gagawaran ang isang boxing world champion at isang Olympic silver medalist ng major awards sa darating na annual SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Awards Night sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Pamumunuan nina lady boxer Nesthy Petecio at lady weightlifter Hidilyn Diaz ang 12 pang personalidad na tatanggap ng parangal mula sa pinakamatandang media organization sa bansa sa gala night na inihahandog ng Philippine Sports Commission, Milo, Cignal TV, Philippine Basketball Association, Rain or Shine at Air Asia.
Ang dalawang lady athletes ay miyembro rin ng Team Philippines na gagawaran ng Athlete of the Year award matapos angkinin ang overall crown ng nakaraang 30th Southeast Asian Games noong nakaraang taon.
Ang 27-anyos na si Petecio ang sumuntok sa featherweight gold sa AIBA Women’s World Boxing Championships sa Ulan-Ude, Russia habang bumuhat naman ang 29-anyos na si Diaz, ang silver medal winner noong 2016 Rio Olympics, ng pilak na medalya sa Asian Championships bukod pa ang dalawang tanso sa World Weightlifting Championships.
Ang unang qualifier para sa 2020 Tokyo Olympics na si pole vaulter Ernest John Obiena ay isa ring major awardee matapos pangunahan ang qualifying meet sa Chiara, Italy.
Inangkin din ni Obiena ang dalawang gold medal sa Asian Athletics Championship at Summer Universiade.
Dalawa pang world boxing champions ang kasama sa honor roll list ng PSA.
Ito ay sina reigning International Boxing Federation (IBF) super-flyweight title holder Jerwin Ancajas at World Boxing Organization (WBO) bantamweight king Johnriel Casimero.
Pararangalan din ng major award ang undefeated at sixth-time UAAP women’s champion na National University at ang five-time PBA Philippine Cup winner San Miguel Beermen at si five-time MVP June Mar Fajardo na pawang mga outstanding performers sa larangan ng basketball.
Ang iba pang nasa listahan ng major awardees ay sina golfers Juvic Pagunsan, Aidric Chan, and Princess Superal at ang Horse of the Year na Union Bell.
Samantala, papangalanan naman ang tatanggap ng special citations na Milo Junior Athletes of the Year, ang regular Tony Siddayao awardees at ang Chooks-To-Go Fan Favorite Award.
- Latest