MANILA, Philippines — Dahil sa bagong format ay magkakaroon ang Pilipinas ng pagkakataong makalaban ang mga pinakamahuhusay na tennis players sa buong mundo.
Nakatakdang harapin ng Pilipinas ang Greece sa Davis Cup na gagamit ng bagong format simula ngayong taon.
Ito ang unang pagkakataon na sasagupain ng mga Pinoy Davis Cuppers ang isang non-Asian country sapul nang makaharap ng tropa ni tennis great Felix Barrientos ang Sweden sa World Cup qualifiers noong 1991.
Sina Jeson Patrombon, Francis Casey Alcantara, AJ Lim at posibleng sina Fil-Ams Ruben Gonzales at Treat Huey ang magdadala sa laban ng bansa kontra sa Greece.
Sa ilalim ng bagong format, makikipagtuos ang mga Pinoy netters sa mga Greeks, babanderahan ni World No. 6 Stefanos Tsitsipas sa isang World Group II playoff round simula sa Marso sa Philippine Columbian Association Plaza Dilao clay courts sa Paco, Manila.
Si Tsitsipas ay nakapasok sa semifinals ng Australian Open noong nakaarang taon at inaa-sahang maglalaro para sa Greece kontra sa Philippine team.
“We’re excited of the new format because our team will have an opportunity to play not just Asians but also other strong players in the world,” wika ni Philippine non-playing captain Chris Cuarto.
Kabuuang 12 home-and-away ties ang lalaruin sa World Group II kasabay ng World Qualifiers at World Group I playoffs.
Ang top 12 sa World Group II playoffs ang papasok sa World Group II ties sa Setyembre kasama ang mga losing countries mula sa World Group I.
Mahuhulog ang mga losers sa Regional Group III na nakatakda sa Hunyo.