Brownlee sasandalan ng Alab Pilipinas
MANILA, Philippines — Muling masasaksihan ng Pinoy fans ang bangis ni super import Justine Brownlee, sa pagkakataong ito ay para sa Alab Pilipinas sa kanyang pagbabalik sa natitirang bahagi ng 2019-2020 ASEAN Basketball League.
Inaasahan ang parehong gilas ni Brownlee, gaya ng kanyang ipinamalas para sa Gnebra sa PBA simula sa alas-8 ng gabi sa pagbabalik askyon ng Alab kontra sa Westports Malaysia Dragons sa MABA Stadium sa Kuala Lumpur.
Ito ang magiging unang laro ni Brownlee sa ABL simula nang maki-tambal kay Renaldo Balkman sa pag-uwi ng kampeonato para sa Alab noong 2019.
Pinalitan ni Brownlee ang dating Alab import na si Prince Williams at sasamahan ang iba pang world imports na sina Nick King at Sam Deguara.
Aalalay naman sa kanila ang local side na pamumunuan ni Jason Brickman at Jeremiah Gray.
Malaki ang maaasahan ni coach Jimmy Alapag kay Brownlee lalo’t kagagaling lang nito sa impresibong kampanya kasama ang Gin Kings sa katatapos lang na 2019-2020 PBA Governors’ Cup.
Doon ay nagrehistro si Brownlee ng kumpletong 29. 0 puntos, 13.6 rebounds, 7.2 assists, 2.0 steals at 1.4 blocks upang gabayan ang Gin Kings sa 4-1 panalo kontra Meralco tungo sa kanyang ikaapat na PBA championship.
Sa tulong ni Brownlee, hangad ng San Miguel-backed franchise na makalapit muli sa tuktok. Hawak ang 9-5 kartada ay nasa segunda puwesto nga-yon ang Alab sa likod ng Mono Vampire na may 11-4 baraha.
Bukod dito ay tangka rin nilang ma-kaganti sa Malaysian club na tinambakan sila sa simula nitong buwan, 91-63.
Palaban naman ang Westports at gutom lalo’t galing ito sa masakit na 87-88 kabiguan kontra sa Singapore noong Linggo lang. Nasa no. 5 ngayon ang Dragons tangan ang 7-7- marka.
- Latest