MANILA, Philippines — Bukas si International Boxing Federation (IBF) minimumweight Pedro Taduran sa rematch laban kay Mexican challenger Daniel Valladares.
Ngunit iginiit ni Taduran na mas nanaisin nitong ganapin ang laban sa ibang bansa upang ma-ging balanse ang crowd.
Una nang nagharap sina Taduran at Valladares noong Pebrero 2 sa Jardin Cerveza Expo sa Guada-lupe, Mexico.
Itinigil ang laban sa pagtatapos ng fourth round matapos magtamo ng sugat ang Mexican fighter sa kanang kilay dahil sa aksidenteng untugan para mauwi ang laban sa technical draw.
“Willing naman ako sa rematch pero sana hindi sa Mexico. Mas maganda na sa ibang lugar na lang,” ani Taduran.
Malapit na sana si Taduran sa inaasahang knockout ngunit nagdesisyon ang referee na itigil ang laban kung saan naitala sa official scorecards ang 39-37 para kay Valladares habang parehong 38-38 draw naman ang ibinigay ng dalawa pang judges.
“Kaya ko talaga siya i-knockout. Ang ganda ng laban namin pero suwerte pa rin ako dahil nasa akin pa rin yung belt,” ani Taduran.
Marami ring mga bagay na natutunan si Taduran sa laban.
Isa sa mga tututukan nito ang mas mapabilis ang kanyang galaw sa loob ng ring gayundin ang pagpapalakas sa stamina.
Kaya naman tuloy lang ang ensayo ni Taduran matapos ang laban upang mapanatili ang magandang kundisyon ng kanyang pangangatawan habang pinaplantsa ang rematch.
Nais ni Taduran ng perpektong kundisyon bago harapin uli ang Mexican fighter.