MANILA, Philippines — Umiskor si guard Jeff Viernes ng pitong puntos kasama ang huling apat ng laro para akayin ang South All-Stars sa 126-122 overtime win laban sa North All-Stars sa Chooks-to-Go MPBL Lakan Season All-Star Extravaganza kamakalawa lamang sa Mall of Asia Arena.
Sinandigan ng South ang Batangas City Athletics para takasan ang North at duplikahin ang kanilang 109-84 panalo noong nakaraang taon.
Tumapos si Viernes na may 28 points, 6 rebounds, 6 assists at 2 steals at hinirang na Most Valuable Player.
Mula sa biruan sa first half ay naging seryoso ang dalawang koponan sa second half dahil na rin sa premyong P500,000.
Nagtabla sa 112-112 sa regulation, umiskor ang Southerners ng 10 points tampok ang dalawang triples ni Gab Banal para sa kanilang 122-112 abante sa hu-ling 3:17 minuto.
Isang 10-0 atake naman ang iginanti ng Northerners sa likod nina Renato Ular, Aris Dionisio, Mike Juico at Jeric Teng para itabla ang iskor sa 122-122 sa natitirang 41.2 segundo.
Mula dito ay bumida si Viernes na nagsalpak ng apat na sunod na free throws para ipanalo ang South.
“I’m happy that the fans got a good game. In games like these, you want it to be thrilling. I enjoyed it, had fun and the entire bench also,” sabi ni South head coach Don Dulay, ang mentor ng Davao Occidental Tigers.
Nagdagdag si Alvin Pasol ng 19 points at 9 boards para sa South, habang may 16 markers si Will McAloney ng Cebu.
Humataw naman si Michael Juico ng 23 points sa panig ng North, nakahugot ng 18 markers kay John Wilson ng San Juan.
May 14 points si Manila star Dionisio bukod pa sa 6 rebounds at 4 assists habang naglista si Ular ng 13 points at 13 rebounds.
“The (all-star) players showed that given the centerstage they would shine and deliver,” wika ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes.
Nagparapol si Sen. Manny Pacquiao ng isang brand-new pickup at limang motorcycles.