MANILA, Philippines — Desidido ang University of the Philippines na makabawi sa UAAP Season 82 women’s volleyball tournament na nakatakdang umarangkada sa Pebrero 15 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bago pa man magsimula ang Season 81 noong nakaraang taon ay paborito ang UP dahil dalawang beses silang nagkampeon sa collegiate pre-season tournaments na Philippine Superliga at Premier Volleyball League.
Subalit bigong maipagpatuloy ng Lady Maroons ang ratsada sa UAAP dahil tumapos lamang sila sa ika-limang puwesto noong Season 81.
Kaya naman target ng UP na makaresbak sa pagkakataong ito upang mabigyan ng magandang exit ang kanilang mga graduating players.
Nananatiling intact ang line-up ng Lady Maroons dahil nagdesisyon ang ilang key players na muling isuot ang UP jersey sa kanilang final playing year partikular na sina Isa Molde at Diana Mae Carlos.
“Sure naman ako na babalik talaga hindi ko lang sinasabi dahil gusto kong mag-focus muna sa PVL (with Motolite),” wika ni Molde.
Makakasama nina Molde at Carlos sina Rem Cailing, Justine Dorog, Maris Layug at Jessma Ramos na naglaro sa commercial league.
Magsisilbi namang team captain ng tropa si open hitter Roselyn Rosier kasama sina Lorie Lyn Bernardo, Marianne Sotomil, Jaila Marie Atienza, Jewel Encarnacion, Stephanie Bustrillo, Jeanny Padilla at Eurick Eslapor.
Huling nakapasok sa Final Four ang Lady Maroons noong Season 78.