Cavaliers at Warriors lumapit sa pagtatakda ng championship series

MANILA, Philippines — Hindi nakitaan ng anu­mang ‘kalawang’, inangkin ng nagdedepensang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Environment and Natural Resources ang Game One ng kani-ka­nilang best-of-three se­mifinals series sa 8th UNTV Cup sa Paco Arena sa Manila City.

Tinakasan ng AFP Cavaliers, hangad ma­ging unang back-to-back champion ng annual tournament para sa mga public servants, ang Judiciary Magis, 79-74, habang bi­nugbog ng DENR Warriors ang National Hou­sing Authority Builders, 79-63.

Maaari nang itakda ng AFP at DENR, ang No. 1 at No. 2 teams, ayon sa pagkakasunod, sa two-phase elimination round ng event na inorganisa ni UNTV President at CEO Dr. Daniel Razon, ang kanilang title duel kung muling mananaig sa Game Two sa Linggo.

Limang AFP players ang umiskor sa double fi­gures sa pangunguna ni Jerry Lumungsod na may 13 points.

Nagdagdag sina Darwin Cordero at Ezer Ro­sopa ng tig-12 points at may 11 at 10 markers naman si­na Romeo Almerol at Wilfredo Casulla, ayon sa pagkakasunod.

Kumolekta si Eugene Tan ng 3 points, 7 assists, 4 steals at 3 rebounds.

Show comments